Bago man lang magtapos ang taon, nais kong magbahagi ng kaunting kaalaman na aking napagtanto.
Lahat ng tao may utak,
Pero hindi lahat ginagamit ang utak nila.
Lahat ng tao may puso,
Pero hindi rin lahat marunong gumamit ng pusong 'yon.
Lahat ng tao may paninindigan,
Kaya mahirap sa karamihan ang magpakumbaba.
Lahat ng tao may mata,
Pero may mga hindi makakita, at may mga ayaw lang talagang tumingin.
Lahat ng tao may prinsipyo,
Pero hindi lahat ng pinanghahawakan ay hango sa katotohanan.
Lahat ng tao may tapang,
At hindi ito nasuskat sa laki ng katawan o sa lakas ng boses.
Lahat ng tao may paa,
At pwede 'tong gamitin para pumunta o lumayo sa masama o mabuti.
Lahat ng tao may kamay, (maliban kung handicapped ka)
Mabigat man, malambot, o manhid na dahil sa kalyo.
Lahat ng tao may alam,
Pero hindi lahat kayang magbahagi ng kaalaman, at hindi lahat ng kaalaman ay dapat pang ibahagi.
Minsan mabuti na ring wala kang alam.
Lahat ng tao may kaibigan,
Pero hindi lahat ng kaibigan mo ay kaibigan ka rin.
Lahat nga tao may kakayahang magmahal,
Pero hindi lahat ng tao madaling mahalin, lalo na kung naiilang silang may nagmamahal sa kanila.
Nag-iinarte pa.
Lahat ng tao may takot,
Ang iba, aminado; ang karamihan, nananakot para hindi sila mahalata.
Lahat ng tao may oras,
Pero hindi lahat ng binibigyang-pansin ay kapakipakinabang.
Lahat ng tao may katinuan,
Pero sa tingin ko marami ang nawawalan na nito.
Lahat ng tao may desisyon,
Hindi lahat ay para sa mabuti, hindi rin naman lahat ay para sa masama.
Lahat ng tao may konsiyensya,
Pero marami ang nawawalan na rin ng kaluluwa--nasa demonyo na.
Ngunit maaaring hindi pa huli para mabawi ito.
Lahat ng tao may tinuturing na pamilya,
At minsan mas "pamilya" pa nga yung hindi kadugo.
Lahat ng tao may pananampalataya,
Kasi lahat may pinaniniwalaan, nakikita man o hindi, o ayaw lang tignan.
Lahat ng tao nakakaramdam ng galit,
ang importante, hindi ka dapat magpadaig dun.
Lahat ng tao may tenga,
Pero hindi lahat handang makinig, lalo na hindi handang umintindi.
Lahat ng tao may pangarap,
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay magiging masaya ka pag nakuha mo ang gusto mo.
At hindi mo rin kailangan sirain ang pangarap o buhay ng iba para lang makaangat.
Lahat ng tao nalulungkot,
Kaya kung malungkot ka, maghanap ka ng makakaramay, hindi ng idadamay.
At ang bawat kalungkutan ay nagbibigay-daan sa kasiyahan.
Lahat ng tao may dila,
At madalas mas madaling dumaldal kesa makinig.
Lahat ng tao may kakayanan,
Pero hindi lahat handang tumulong sa oras ng pangangailangan.
Lahat ng tao may kalokohan,
At minsan yung pinaka-maloloko pa yung mga tapat naman pala at talagang maaasahan.
Lahat ng tao may kalayaan,
Kaya hindi mo sila pwedeng husgahan ayon sa sarili mong pamumuhay.
Pero ang mali ay mali, ang tama ay tama, at yun lang ang dapat nating pag-usapan.
Marahil walang katapusan sa "lahat" ng ito,
Ngunit ano pa man,
Gusto ko lang isipin niyo na hindi natin maipagpapalit ang pagkatao natin sa kahit ano.
Walang perpekto. Pero lahat tayo kaya nating maging totoo.
Walang akong pinupuntirya o pinatatamaan. Di ko kasalanan kung may ma-guilty o magalit.
Hindi ko naman sinasabing ito ang katotohanan.
Pero para sakin, ito ang realidad na tumambad sakin buong taon.
Ngayon, kung may problema sa akin at sa mga naisulat ko, sabihin nyo sakin nang diretsahan.
Hindi rin ako naghahanap ng away, at hindi ko toh sinulat dahil hindi ako ok o may kaaway ako.
Gusto ko lang malaman niyo kung ano yung tingin ko sa buhay at sa mundo.
Yun lang.
Wag na kayong masyadong ma-chever, dahil nakibasa lang kayo. Hahaha.
World Peace.